Nakaranas ng malawakang pagbaha at landslides sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao sa bisperas ng Pasko dahil sa malakas na buhos ng pag-ulan.
Ito ay dahil sa shear line at Amihan batay sa paliwanag ng state weather bureau.
Lubog sa tubig baha ang ilang mga kabayahan sa Santa Fe, Bantayan Island sa Cebu matapos tamaan ng malalaking alon Biyernes ng gabi.
Ayon kay Councilor Jaypee Lao, hindi nakaranas ng malakas na ulan at hangin ang nasabing lugar.
Kaagad naman rumisponde ang mga rescue teams para tulungan ang mga pamilya na naipit sa kanilang mga tahanan.
Sa bayan naman ng Samboan, Cebu, nasira ang seawall sa Barangay San Sebastian dahil sa malakas na alon.
Ilang bahagi naman ng Jipapad town sa Eastern Samar ang nakaranas din ng malawakang pagbaha.
Dahil sa patuloy na sama ng panahon, limang Coast Guard Stations sa Central Visayas ang nagdeklara ng indefinite suspension sa lahat ng mga biyahe ng barko.
Daan-daang mga pasahero ang stranded sa mga pier dahil sa bad weather.
Ilang lugar naman sa Zamboanga City ang binaha, kung saan daan daan mga pamilya din ang inilikas.
Lubog din sa tubig baha ang bayan ng Maguing sa Lanao del Sur.