-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Lubog sa baha ang ilang bayan sa lalawigan ng Maguindanao at probinsya ng Cotabato.

Apektado ng baha sa Maguindanao ang mga bayan ng Datu Montawal, Pagalungan, Datu Piang, Datu Salibo, Rajah Buayan, Northern Kabuntalan, Mother Kabuntalan, Sultan Sabarongis, Mamasapano, Talitay at iba pa.

Sa North Cotabato ang mga bayan ng Pikit, mga mababang lugar at sa gilid ng ilog sa Midsayap, Libungan, Pigcawayan, Alamada, Kabacan, M’lang, Tulunan at syudad ng Kidapawan.

Ang nararanasang pagbaha ay dulot ng malakas na buhos ng ulan at pag-apaw ng mga kailugan,lalo na ang Pulangi River at Rio Grande Mindanao dahil sa sama ng panahon.

Grabeng sinalanta ng baha ang mga pananim ng mga magsasaka, mga ari-arian at mga alagang hayop.

May ilang residente na rin ang inilikas patungo sa mga ligtas na lugar.

Sa lalawigan ng Maguindanao ay nakapaghatid na ng inisyal ng tulong ang mga LGUs at Provincial Govt sa pangunguna ni Governor Bai Mariam Sangki Mangudadatu habang sa North Cotabato ay una ng naghatid ng tulong si Governor Emmylou Mendoza.