-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Iniulat ng hepe ng Basco Municipal Police Station ang matinding panganib na na dala ng lakas ng hangin at ulan sa pagdaan ng typhoon Kiko kung saan isinaisalim sa signal number 4 ang lalawigan ng Batanes.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Capt. Martin Plaza III, dakong alas-4:00 ng madaling-araw nagsimula raw ang pabugso-bugsong hangin at ulan.

Dakong alas-7:00 ng umaga aniya ay nagtuloy-tuloy na ang pagbagsak ng malakas na ulan at pag-ihip ng hangin.

Maglilibot pa sana ang mga pulis upang magbigay ng paalala sa mga residente ngunit minabuti na ng mga ito na bumalik sa police station dahil mapanganib na ang sitwasyon matapos magliparan ang mga yero mula sa mga kabahayan.

Ayon sa hepe, maraming daan ang impassable sa ngayon dahil sa natumbang mga punongkahoy at naputol na linya ng koryente dahil sa lakas ng hangin.

Aniya, hindi prone sa landslide at baha ang Basco dahil sa topography nito ngunit mapanganib ang malakas na hangin kahit sanay na ang mga residente rito.

Nasira na rin ang bintana ng Basco Police Station dahil sa lakas ng hangin.
Mabuti na lang aniya dahil ang ibang mga bahay ay nakapaglagay ng plywood sa jalousy kahapon kaya’t hindi na nasira ang mga ito.

Naka-standby din ang search and rescue equipment ng mga pulis para sa deployment kung ligtas na ang sitwasyon.