-- Advertisements --

Bago matapos ang Oktubre, magagamit na ng mga motorista ang isang segment ng tollway na magdudugtong sa South Luzon Expressway (SLEX) at Cavite Expressway (Cavitex).

Ito ang inunsyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kasabay ng nakatakdang pagbubukas ng Laguna segment ng Cavite-Laguna Expressway (CALAX).

Magsisimula ito sa Mamplasan exit ng SLEX hanggang Silang-Tagaytay road sa Sta. Rosa, Laguna.

“Hindi na kayo mata-traffic sa Sta. Rosa area kung ang pupuntahan n’yo is Tagaytay or Batangas. Pwede n’yo na gamitin itong alignment at mabilis po, at least exit nyo hindi na Sta Rosa, exit nyo Mamplasan,” ani DPWH Sec. Mark Villar.

CALAX map

May layong 44.6-kilometers ang tollway project na hawak ng Metro Pacific Investments Corporation. Nagkakahalaga ito ng P35.43-bilyon at inaasahang matatapos ito sa taong 2022.

Bubuohin ito ng siyam na interchange sa Kawit, Daang Hari, Governor’s Drive, Aguinaldo Highway, Silang, Sta. Rosa-Tagaytay, Laguna Blvd., Technopark at Toll Barrier sa SLEX.

Inaasahang mapapabilis ng 45-minutes ang biyahe ng mga motorista na naiipit sa kadalasang dalawang oras na biyahe.