DAVAO CITY – Kasalukyang hindi madadaanan ang National Highway sa boundary ng Bukidnon patungong Talaingod, Davao del Norte, matapos gumuho ang lupa sa lugar matapos ang walang tigil na pag-ulan.
Ito ang naging abiso ng Talaingod Municipal Police Station sa mga motorista na bumabyahe sa naturang daan.
Napag-alamang gumuho ang bahagi ng kalsada sa Brgy. Kalagangan, Bukidnon, bandang alas-6 ng umaga.
Sa eklsusibong panayam ng Bombo Radyo Davao kay Ian S. Andamon, responder at radio operator ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng Talaingod, Davao del Norte, hindi na madadaanan ang naturang bahagi ng kalsada dahil sa pinsala na dulot ng mga pag-ulan.
Pinapayuhan ngayon ang mga motorista maging ang mga magde-deliver ng kanilang mga produkto na gamitin muna ang daan sa Calinan, Davao City patungong Bukidnon.