CAUAYAN CITY – Puspusan ang clearing operation na isinasagawa ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) at Department of Public Works and Highways (DPWH) upang matanggal ang gumuhong lupa sa bundok sa tabi ng daan sa Antutot, Kasibu, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PDRRM Officer Robert Corpus, sinabi niya na sa kasalukuyan ay gumagawa na sila ng mga hakbang upang tuluyang matanggal ang gumuhong lupa na tumabon sa nasabing bahagi ng daan.
Aniya, malaking pasasalamat nila dahil walang bahay na natabunan sa pagguho ng Lupa.
Nilinaw ni PDRRM Officer Corpus na bagamat may landslide sa bahagi ng Barangay Antutot, Kasibu ay mga alternative routes sa Dupax del sur na maaaring daanan ng mga motorista at hindi ito nagdulot ng isolation sa bahaging ito ng Kasibu.
Inaasahan na madadaanan na ito ngayong araw ng mga sasakyan.