LEGAZPI CITY – Naputol ang bahagi ng Obo spillway sa San Miguel, Catanduanes bunsod ng malakas na pag-ulan dala ng Bagyong Maring na nagdulot ng baha sa lugar nitong weekend.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay San Miguel MDRRMO head Mary Ann Teves, hindi sementado ang naturang area at karaniwan nang problema na napuputol ang bahagi ng daan na kahit pa nasa Signal Number 1 lamang ang nakataas.
Tinatambakan lamang ito ng lupa para madaanan ng mga sasakyan.
Kaugnay nito, isolated ang mga residente mula sa limang barangay ng Obo, Patagan Sta. Elena, Patagan Salvacion, Dayawa at Siay na gumagamit pa ng bangka para lamang makatawid.
Samantala, bumubuti na rin ang lagay ng panahon sa bayan subalit hinihintay pa ang tuluyang paghupa ng baha sa spillway.
Umaasa naman si Teves na mapalitan na talaga ng matibay na tulay ang naturang spillway upang maiwasan na rin ang ganitong problema.