-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Isinailalim sa lockdown ang bahagi ng Purok Bayanihan, Barangay Banago, Bacolod City matapos magpositibo sa coronavirus disease ang isang residente rito kahapon.

Ayon sa Department of Health, ang 65-anyos na babae ay nagkaroon ng ubo nitong Abril 3 at nagpakonsulta sa City Health Office nitong Abril 17 kung saan siya kinuhaan ng swab sample na isinailalim naman sa laboratory test sa Iloilo City.

Ayon naman kay Bacolod City Vice Mayor El Cid Familiaran, sumailalim sa home quarantine ang senior citizen at wala rin itong travel history.

Kasunod nang paglabas ng laboratory test result, kaagad na inilagay sa isolation sa quarantine facility ang 65-anyon na pasyente habang inilagay naman sa hiwalay na quarantine facility ang kanyang mga kasama sa bahay.

Lockdown na rin sa bahagi ng Purok Bayanihan sa loob ng 50-meter-radius mula sa bahay ng senior citizen kung saan sakop nito ang hindi bababa sa 30 bahay.

Tiniyak naman ni Bacolod City Mayor Evelio Leonardia na tutulungan ng lokal na pamahalaan ang mga pamilyang apektado.

Kagabi ay nagsagawa na rin ang Bacolod City Disaster Risk Reduction and Management Office ng disinfection sa nasabing lugar.