-- Advertisements --

Isinailalim sa special concern lockdown (SCL) ang bahagi ng isang kalye sa loob ng pribadong subdivision sa Barangay Bagbag, Quezon City matapos makapagtala ng anim na aktibong kaso ng COVID-19.

Sa isang pahayag, sinabi ni Assistant City Administrator Alberto Kimpo na inilagay sa SCL ang bahagi ng King Christian Street sa Kingsport Subdivision matapos mahawaan ng isang aktibong pasyente ang tatlong kasama nito sa bahay, at dalawa pa nitong kapitbahay.

Ayon pa kay Kimpo, 59 pamilya na may kabuuang populasyon na 243 ang naninirahan sa lugar.

“We have to enforce SCL so as to avoid the virus from spreading to other streets,” wika ni Kimpo.

Inihayag naman ni Dr. Rolly Cruz, head ng QC-Epidemiology and Surveillance Unit (QC-ESU) ng QC Health Department, sinimulan na rin nila ang pamamahagi ng case investigation forms.

Matapos nito, magsasagawa naman daw sila ng polymerase chain reaction (PCR) testing sa Miyerkules hanggang Biyernes sa kung sinumang mangangailangan nito.

Sa ngayon, apat na lugar sa Quezon City ang nananatili sa SCL, kabilang na ang Kaingin Bukid sa Barangay Apolonio Samson; bahagi ng Ermin Garcia Street at Imperial Street sa Barangay E. Rodriguez; at ang bahagi ng Calle 29 sa Barangay Libis.