-- Advertisements --

DAVAO CITY – Gumuho ang bahagi ng Shadol o Maragusan – New Bataan Highway matapos ang sunod-sunod na pagyanig na naranasan sa probinsya ng Davao de Oro.

Ayon sa report ng lokal na pamahalaan ng Maragusan, inabisuhan na ang mga motorista na hindi pa muna madadaanan sa ngayon ang gumuhong bahagi ng highway ngunit maari namang gamitin ang alternatibong ruta mula Maragusan patungong New Bataan gamit ang Magangit road.

Naitala ng PHILVOLCS ang tatlong malalakas na lindol kahapon ng madaling araw sa probinsya kung saan isa niyan ay nasa Magnitude 5.2 na pinakamalakas na naitala bandang alas-4:43 ng madaling araw.

Nagpalabas naman ng suspension advisory ang Maragusan LGU para sa mga pampubliko at pribadong paaralan maging trabaho ng mga guro at non-teaching personnel ngayong araw upang magsagawa ng mga inspection sa mga gusali ng paaralan at upang matiyak rin ang kaligtasan ng mga estudyante sa panahon ng kanilang pagbabalik eskwela.

Mananatili pa ring bukas ang mga tanggapan ng gobyerno sa munisipalidad ng Maragusan ngayong araw.