LEGAZPI CITY – Hindi madaanan ng malalaking sasakyan ang bahagi ng national road na sakop ng Brgy. Pagsangahan at Paraiso sa San Miguel, Catanduanes matapos na makapagtala ng pagguho ng lupa at mga bato.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay San Miguel MDRRMO head Mary Ann Teves, kinain ng bumagsak na mga bato at lupa ang dalawang lane ng kalsada.
May iilang motorista lamang ang nagpipilit na makadaan patungong bayan ng Viga sa kabila ng babala ng panganib sa lugar.
Ayon pa kay Teves, wala namang naranasang pag-ulan sa bayan ngayong araw subalit posibleng saturated na ang lupa sa mga nakalipas na araw.
Ipinagpapasalamat naman ni Teves na walang nasaktan sa grupo ng mga guro na dadaan sana sa lugar nang mangyari ang rockslides kaya’t personal pang nasaksihan at nakuhanan ng video ang pagguho ng mga tipak ng bato sa gilid ng daan.
Ipinagbigay-alam na rin ito sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Catanduanes PDRRMO para sa clearing operations nang hindi na magdulot pa ng dagdag na abala sa mga dadaan sa area.