-- Advertisements --

NAGA CITY – Isinailalim sa lockdown ang Zone 9 Poblacion o mas kilala bilang Bagumbayan sa bayan ng Pamplona, Camarines Sur matapos na may apat na indibidwal ang nagpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mayor Boy Franco, sinabi nito na ang lockdown ang nakita nilang ultimatum na solusyon sakaling hindi matukoy ang posibleng carrier ng virus.

Ipinatupad ng lokal na pamahalaan ang istriktong community quarantine para matiyak na maiwasan pa ang mahahawaan ng sakit sa naturang lugar.

Kaugnay nito, isinara rin ang entrance at exit points sa lugar na binabantayan rin ng mga public safety officers at mga barangay tanod para matiyak na walang makakapasok at makakalabas na mga indibidwal.

Ngunit tiniyak naman ng local government unit (LGU) na nariyan ang public safety officers para magbigay ng asistensiya sakaling may mga emergency lalo na kung bibili ng gamot at iba pang mga pangangailangan.

Samantala, dalawang beses na ring namahagi ng mga food packs ang LGU sa lugar kahapon para mabigyan ng suporta ang mga nangangailangan na mga mahihirap na pamilya na apektado ng lockdown.

Habang ngayong araw naman magdedeliver ng tubig kung saan, kinakailangan lamang umano na ilabas ang kanilang mga container at kukunin na lamang ang mga ito pagkaalis ng magdedeliver ng tubig para maiwasan ang pagkakaroon ng direct contact.

Samantala, nagpasalamat naman ang alkalde sa mga Barangay Officials, Barangay Health Workers at mga Barangay Tanod ng Bagumbayan sa kooperasyon nito sa LGU.