-- Advertisements --

Pansamantalang isasara ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang bahagi ng Roxas Boulevard sa unang bahagi ng buwan ng Enero sa susunod na taon.

Ito ay upang magbigay daan sa isasagawang pagkukumpuni ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa southbound lane na isang bahagi ng Roxas Boulevard dahil sa pangamba sa posibleng pagguho nito.

Ayon kay MMDA chairperson Benhur Abalos, ipapatupad ang nasabing pagsasara sa bahagi ng naturang kalsada sa una o ikalawang linggo ng buwan ng Enero.

Aniya, humiling pa ang MMDA sa DPWH na bigyan sila ng panahon upang masuri ang posibleng maging epekto ng pagsasara ng nasabing kalsada at upang makapagsagawa pa ang mga ito ng mga kinakailangag pagsasaayos, tulad ng traffice rerouting.

Tinatayang nasa 53,000 na mga motorista ang maaapektuhan ng nasabing aktibidad na inaasahang magtatagal ng dalawa hanggang tatlong buwan.

Samantala, una rito ay nagsagawa na rin ng mga pagsusuri ang MMDA kaugnay sa mga maaaring gamitin na mga alternatibong ruta ng mga motorista kapag ipinatupad na ang pagsasara sa bahagi ng Roxas Boulevard.