-- Advertisements --

Itinuturing ng Department of Finance na “good news” ang bahagyang pagbaba ng inflation rate nitong Pebrero kahit pa katiting lamang ito o katumbas ng point 1 percent.

Ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno, pagkain pa rin ang pangunahing dahilan ng mabilis na inflation kabilang na ang gulay, karne, asukal isda.

Paliwanag ni Diokno para mapigilan ang muling pagbilis ng pagtaas ng presyo ng mga produktong ito kailangang umangkat ang bansa ng bigas, yellow corn, raw at refined sugar, karne ng baboy at isda.

Binigyang diin ng finance chief na kailangan talagang tutukan ang mga presyo ng pangunahing bilihin.

Dahil dito tuloy pa rin ang gagawing pag-angkat ng gobyerno ng mga agricultural products sa ibang bansa.

Bukod sa mga agri products, nakatakda din mag-angkat ng fertilizers ang bansa partikular sa Saudi Arabia at China na gagamitin sa agricultural production sa bansa.

Kasalukuyang nakikipag-ugnayan na ang Department of Agriculture sa Saudi Fund for Development para sa gagawing pag-angkat ng urea fertilizer.