Hahayaan na lang muna ng PNP ang proseso kung ano ang mangyayari kina dating PNP chief Gen. Oscar Albayalde at sa 13 tinaguriang ninja cops.
Ang pahayag ngayon ng PNP ay kasunod ng committe report na inilabas ni Sen. Richard Gordon na nanguna sa pag-imbestiga sa iskandalo ng mga ninja cops.
Ayon kay PNP spokesman at PIO chief Brig. Gen. Bernard Banac, hahayaan na muna nila ang mga legal teams nina Albayalde at iba pang mga pulis ang sumagot sa mga kaso na ihahain ng Senado kung meron man.
Gayunman ayon sa PNP, ang mga inaakusahan sa isyu ay dapat daw ay manatiling inosente hangga’t walang paghatol ang korte.
Kung maaalala nitong nakalipas na Lunes ay pormal na naghain ng kanyang terminal leave si Albayalde habang inaantay ang kanyang pormal na pagreretiro sa serbisyo sa November 8.
Kasabay nito, binigyang diin din ng PNP na tinatangggap nila ang hamon ng Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng pagbabago sa kanilang hanay na siya ring hinihingi ng publiko.
“The PNP will let justice, fairness, and due process of law take its course. All accused remain innocent until proven guilty,” ani Brig. Gen. Banac sa statement. “We leave it to Police General Oscar Albayalde and the other concerned PNP personnel, with their respective legal teams to address the other side issues that may come with their possible criminal indictment as recommended by the Senate panel.”