ROXAS CITY – Walang nasaktan sa nangyaring pagsabog ng isang granada sa labas ng bahay ng alakalde sa bayan ng Dumarao, Capiz.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Mateo Hachuela, inihayag nito na sumabog malapit sa pader ng bahay nito ang isang granada na tinapon di umano ng dalawang kalalakihang sakay sa isang motorsiklo alas 8:48 ng gabi Agosto 5 kasabay ng pagdiriwang ng kanilang municipal and religious fiesta.
Mabuti nalang anya at walang tao sa labas nung mga oras na iyon at isang blasting cap lamang nung granada ang sumabog. Sinabi pa ng alkalde na mayroon namang mga cctv cameras sa labas ng bahay nito at sa lugar na makakatulong sa isinasagawang imbestigasyon ng mga kapulisan.
Tinintingnan naman ng alkalde na kalaban nito sa pulitika ang may kagagawan sa nasabing insidente at ang motibo nito ay ang bulabugin ang kanilang matiwasay na pagdiriwang ng kapiestahan upang isisi sa kanya.
Sa ngayon ay pinaagting na ng mga kapulisan ang seguridad sa lugar sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga checkpoints at pagpapatrolya.
Samantala, mariin namang kinundena ni Provincial Director PCol. Jerome Afuyog Jr. ng Capiz Police Provincial Office ang nasabing pangyayari at nagpadala narin ito ng reinforcement upang tiyakin ang seguridad ng alkalde at ng pamilya nito.
Patuloy naman ang pagkalap ng ebedinsya ng pinagsanib na pwersa ng mga kapulisan at NBI upang matukoy ang mga responsable sa nasabing pagpapasabog at hinikayat din ng mga otoridad ang mga residente na tumulong sa isinasagawang imbestigasyon upang mapadali ang paglutas ng kaso.