-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Dalawang baril at mga bala ang nakumpiska ng mga tauhan ng New Washington Municipal Police Station at Criminal Investigation and Detective Group (CIDG) Aklan sa isinagawang operasyon sa loob ng bahay ng isang army reservist sa Sitio Bugasongan, Barangay Guinbaliwan, New Washington, Aklan.

aklan gunrunner

Pasado alas-8:00 kaninang umaga nang salakayin ng mga otoridad ang bahay ng suspek na si John Arboleda, 45, residente ng naturang lugar.

Armado ang mga pulis ng search warrant na ipinalabas ni Vice Executive Judge Montalid Patnubay Jr., ng RTC, Branch 9, Kalibo, Aklan dahilan kaya napasok ang bahay at naaresto ang suspek.

Dito nadiskubre ng mga operatiba ang isang unit ng kalibre .45 na pistola; limang magazine assembly para sa .45 kalibre na baril; 55 bala ng kalibre .45; isang inside holster para sa .45 kalibre na baril; isang unit ng delinger revolver black widow at apat na bala ng 9mm caliber.

Maliban na kilala ang suspek sa gun running operation, ang pagpapatupad ng search warrant ay resulta rin ng nagpapatuloy na “Oplan Katok” laban sa mga gun owners na may expired na mga lisensya ng baril.