-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nagdulot ng takot sa mga sibilyan ang pagpapaputok ng mga hindi kilalang suspek sa tahanan ng isang opisyal ng Barangay sa lalawigan ng Maguindanao Del Norte.

Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Roel Sermese na pinaputukan ng dalawang hindi kilalang suspek ang tahanan ni Brgy Kapitan Guiaber Dalinding sa gilid ng national Highway sa Brgy Simuay Sultan Kudarat Maguindanao Del Norte.

Agad namang tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo patungo sa direksyon ng Cotabato City.

Wala namang nasugatan sa pagpapaputok ng mga suspek ngunit nagdulot ito ng takot sa pamilya ni Dalinding at mga kapitbahay.

Sinabi ni Dalinding na politika ang motibo sa pamamaril sa kanyang bahay at tukoy na rin nito ang mga suspek.

Matatandaan na noong nakalipas na taon hinagisan rin ng granada ang bahay ni Chairman Dalinding.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Sultan Kudarat Municipal Police Station (MPS) sa naturang pangyayari.