LA UNION – Nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring pamamaril sa bahay ni Kapitan Teddy Marron ng Barangay Bulbulala, Balaoan, La Union.
Nabatid ng Bombo Radyo mula sa La Union Police Provincial Office, nangyari umano ang pagratrat sa naturang bahay kaninang alas-2:00 ng madaling araw.
Nakarekober ng mga police investigators ang nasa 12 basyo ng bala para sa M-16 rifle na ginamit umano ng suspek.
Wala namang nasugatan sa naturang insidente.
Si Marron ay sinasabing masugid na supporter ng magkapatid na incumbent municipal Mayor Aleli Concepcion at Provincial Board Member Carlo Concepcion na parehong kandidato sa pagka-alkalde at bise alkalde sa bayan ng Balaoan para sa 2019 mid-term election.
Ang bayan ng Balaoan ay kabilang sa mga election hot spot na tinukoy ng Philippine National Police matapos mamatay sa ambush ang ama ng magkapatid na si dating Vice-mayor Al-fred Concepcion.