-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nagpapatuloy ang pagsisiyasat sa naganap na pagkakasunog sa bahay ng isang dating kasapi ng Sangguniang Bayan sa San Manuel, Isabela

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Sr. Fire Officer 1 Benedicto Mamayson, Fire Prevention Officer ng San Manuel, Isabela na pagmamay-ari ni dating SB member Deserie Tamuyao ang nasunog na bahay.

Wala ang dating SB Member sa kanyang residential house nang maganap ang sunog at ang kasama lamang sa bahay ay ang pamangkin na si Jayson Buenaventura

Ayon kay SFO1 Mamayson, wala namang nasaktan sa naganap na sunog ngunit tuluyang natupok ng apoy ang nasabing bahay.

Sinabi pa ni Sr. Fire Officer 1 Mamayson na kakausapin din nila si Jayson Buenaventura upang mapagtanungan sa nasabing sunog.

Batay sa kanilang pagtaya ay aabot sa halos 1.2 million pesos ang halaga ng natupok ng apoy na bahay at tanging steel trusses sa bubungan ang iniwan ng apoy

Sinabi pa niya na patuloy ang kanilang pagbibigay ng impormasyon sa mga mamamayan upang maiwasan ang sunog ngayong fire prevention month.