-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Umabot sa mahigit P1 milyong halaga ng mga alahas at kagamitan ang natangay ng mga magnanakaw na nanloob sa bahay ng isang doktor sa Lot 9, Blk 9, Garden Ville Subdivision sa Barangay Tangub, Bacolod City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Lt. Fermin Pula, deputy station commander ng Bacolod City Police Station 8, dalawang suspek ang pumasok sa bahay ni Dr. Carlitos Orola kahapon.

Sa pag-usisa ng mga pulis sa kasambahay na si Dessy Mae Antsong, may nag-doorbell daw sa gate at nang kanyang pinuntahan, tinutukan ito ng baril ng isang lalaki at sinabihang sila ay papasukin.

Dumaan ang mga ito sa kusina bago itinali ang katulong sa second floor at binusalan ng underwear.

Pinasok ng mga suspek ang isang kwarto kung saan kanilang kinuha ang branded bags na nagkakahalaga ng P400,000; TV, assorted ATM cards at passbook, assorted diamond, pearl at gold jewelry na nagkakahalaga ng isang milyon piso; nasa P15,000 cash at tablet.

Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis ukol sa pangyayari.