-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Patuloy na binabantayan ng mga pulis ang bahay ng founder ng isang investment scheme matapos maransak nitong Sabado.

Napag-alaman na walang itinira sa pamamahay ni retired Master Sergeant Romeo Roda at anak nitong Mary Jane Roda dahil pinasok umano ng halos 400 investors.

Ang mag-ama ang siyang nagpapatakbo ng Paluwagan Retired Movement na nagsasagawa ng Forex Trading na nakabase sa Barangay Buayan at nag-o-offer ng 75% hanggang sa 100% kung mayroong promo na makakapay-out kada linggo.

Nagsimula ang naturang investment scheme noong Mayo subalit hindi na nakapagbigay ng payout noong nakaraang buwan.

Napag-alaman na tumawag pa si Mary Jane sa mga agent noong Sabado dahil magbibigay daw ng payout sa hapon subalit walang nangyaring transaksyon kaya niransak ang kanilang bahay.

Kinuha ang mga alagang hayop gaya ng baboy at pato, mga grocery sa tindahan, mga tanim sa paso, sako-sakong uling at hindi rin pinatawad ang tsinelas at mga sangkalan na dinala ng mga galit na investors.

Sa ngayon hindi na makita ang mga nangangasiwa ng Paluwagan Retired Movement sa lugar.

Napag-alaman na halos lahat ng bahay ng founder ng investment schemes sa GenSan ay nira-ransak ng mga nabibiktima.