-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Ilang mga ari-arian ang nasira matapos pasabugan ng mga ‘di pa kilalang suspek ang bahay ng isang punong barangay sa San Fabian, Pangasinan.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Major Melecio Mina hepe ng San Fabian-Philippine National Police, nagulat umano ang buong pamilya ni Kapitan Virgilio Garcia ng Barangay Arman sa nabanggit na bayan matapos na makarinig ng malakas na putok sa harap ng kanilang tahanan, pasado alas-12:00 ng hatinggabi kahapon.

Base sa salaysay ng ilang kasapi ng pamilya ni Kapitan Mina, bago mangyari ang pagsabog ay isang motorsiklo ang narinig nilang tumigil sa harapan ng kanilang bahay na sinundan na ng malakas na pagsabog.

Hindi naman daw nila nagawang lumabas pa upang tignan ang pangyayari dahil na rin sa sobrang takot.

Dahil naman sa tindi at lakas ng pasabog, nawasak ang harapang bahagi ng bahay ng barangay kapitan at nabasag din ang mga bintana ng dalawa nitong sasakyan partikular na ang isang van at isang kotse.

Masuwerte namang walang nasaktan sa insidente.

Samantala, kasalukuyan pang kinukumpirma ng mga otoridad kung anong klase ng granada o pampasabog ang ginamit sa krimen.

Patuloy din ang imbestigasyon ang mga otoridad lalo na’t sinasabing nakatanggap ng pagbabanta sa buhay o death threat si Kapitan Garcia, ilang linggo bago mangyari ang insidente.