-- Advertisements --

ROXAS CITY – Naging masalimuot ang eleksiyon para sa incumbent Capiz 1st district board member at kumakandidato sa pagkakongresista sa lalawigan na si Blesilda “Ging-ging” Perez Almalbis.

Ito ay dahil maliban sa kaniyang pagkatalo sa kaniyang kandidatura ay nilamon pa ng apoy ang bahay nito sa Barangay Baybay, Roxas City.

Batay sa impormasyon na nakuha ng Bombo Radyo Roxas sa pamunuan ng Bureau of Fire Protection – Roxas City Fire Station, nakatanggap sila ng ulat na nasusunog na ang bahay ni Almalbis sa kasagsagan ng patuloy na pagbibilang ng mga boto sa katatapos lamang na eleksiyon.

Dahil dito ay kaagad na rumesponde ang mga bumbero kung kaya’t mabilis namang naapula ang apoy sa nasusunog na bahay na gawa sa concrete materials.

Malaking tulong naman ang pagbuhos ng ulan upang mabilis na maapula ang apoy at hindi na ito kumalat pa sa ibang parte ng bahay.

Wala namang naitalang nasugatan sa pamilya Almalbis na mabilis nakalabas ng kanilang bahay bago pa man kumalat ang apoy.

Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang naturang insidente upang matukoy ang pinagmulan ng sunog.