-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng pulisya sa naganap na pagransak ng mga armado sa bahay ng negosyante sa may Barangay Ambago, Butuan City.

Base sa pagkumpirma ni Police Staff Sergeant Bernard Amora imbestigador sa Butuan City Police Station 3, puwersahang pinasok ng aabot sa 15 na katao na pawang armado sa highpowered firearms ang bahay ni Romulo Pala, 55-anyos, may-asawa at negosyante.

Hindi namang sinaktan ang mga indibidwal na nasa loob ng bahay ngunit tinangay ang cash na tinatayang aabot sa P150,000, mga alahas na nagkakahalaga sa P60,000, iba’t ibang uri ng mga cellphone na nasa P115,000 ang halaga at dalawang susi ng sasakyan.

Ayon pa kay Amora, naka-bonnet ang mga suspek at ang damit ay may tatak na Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kanilang mga damit at nagpapakilalang taga CIDG-Davao.

Sa ngayon ay hinihintay pa ng pulisya ang kumpletong report ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) habang patuloy na nakikipag-ugnayan sa CIDG lalo na sa Davao area kung wala ba silang operasyon sa lungsod ng Butuan.