GENERAL SANTOS CITY – Nasimot ang lahat ng mga gamit sa bagong renovate na bahay ng isa sa mga kasapi ng Board of Directors ng Alabel-Maasim Credit Cooperative (ALAMCCO) nang pasukin ng galit na galit na mga investors nitong Martes ng tanghali.
Sa imbestigasyon ng Makar Police Station, hindi pa tukoy ang mga pumasok sa pamamahay ng mag-asawang Aillen at Conrado Mancao na residente ng New Society, Apopong, lungsod ng General Santos.
Pilit umanong binuksan ng mga suspek ang saradong gate ng bahay at nang makapasok ay pinag-agawan daw ang motor, appliances, maging ang mga gamit sa loob ng bahay.
Maging ang nakatambak na galvanized iron (GI) sheets ay hindi rin pinalampas.
Sinabi ni alyas “Marissa” na ang bahay ng mga Mancao ang ginawang opisina noon sa pagtanggap ng mga inilagak na puhunan mula sa mga investor, subalit nang magkagulo ay iniwan na lamang ito kaya’t matagal nang walang tao sa lugar.
Dagdag pa nito, tatlo ang bahay ng mag-asawa kung saan mayroon sa isang mamahaling subdivision; isa sa Maasim, Sarangani at ang ikatlo ang pinasok ng mga kawatan.
Nitong linggo lamang nang lumabas ang warrant of arrest laban sa mga opisyal at mga Board of Directors ng ALAMCCO dahil sa kasong syndicated estafa kaya’t pinaghahanap sila ngayon ng mga otoridad.