LA UNION – Niratrat ng mga hindi pa kilalang suspek ang bahay ng pinsan ng magkapatid na Mayoralty at Vice Mayoralty candidate sa bayan ng Balaoan lalawigan ng La Union alas 7:30 Miyerkules ng gabi.
Napag-alaman ng Bombo Radyo La Union, hindi muna pinangalanan ang may-ari ng bahay kung saan ito ay 53 anyos, may asawa, at residente ng Barangay Cabu-an sa nabanggit na bayan para sa kanyang kaligtasan.
Ayon sa biktima, kasalukuyan silang nasa bahay at nanunood ng telebisyon ng makarinig na lamang ito ng mga putok ng baril mula sa labas.
Base sa kuha ng CCTV di umano riding in tandem ang nagpaulan ng bala sa kanilang bahay kung saan ilang parte nito ang nasira.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng Balaoan Police sa nangyaring pamamaril.