CEBU CITY – Mga mataas na kalibre ng baril at isang granada ang nakuha ng pulisya sa bahay ng self confessed drug Lord na si Franz Sabalones sa Mondena Subdivision, Barangay Tunghaan sa Minglanilla, Cebu.
Sa bisa ng search warrant, hinalughog ng mga operatiba ang diumano’y isa sa mga bahay ni Sabalones dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o Firearms and Ammunitions Act.
Ang dating live-in partner ni Sabalones na si Wenefreda Misa ang naabutan ng mga otoridad na nakatira sa dalawang palapag na bahay kasama ang dalawang anak nila.
Nakuha ng mga pulis ang tig-iisang caliber 45 pistol, KG 9, M4 at granada, gayundin ang mga bala sa ibabaw ng cabinet sa loob ng master’s bedroom.
Umiiyak na itinatanggi ni Misa na sa kanya ang mga baril dahil hindi naman umano siya marunong gumamit nito.
Hindi rin daw nito alam na may mga baril sa ibabaw ng cabinet at magdadalawang taon nang hindi umuuwi si Sabalones sa kanilang bahay.
Ngunit ayon kay Pol. S/Insp. Alejandro batubalunos, base sa kanilang surveillance ay palaging dumadalaw si Sbalones sa kanyang mag-ina.
Sa katunayan ay nakatanggap umano sila ng impormasyon na bumisita pa ito kagabi.
Sa ngayon, bina-validate na rin ng PNP ang impormasyong nakuha nila tungkol sa kinaroroonan ni Sabalones.
Nakatakada na ring sampahan ng kaso si Sabalones dahil sa pagmamay-ari nito ng mga hindi lisensyadong armas.