-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Nilimas ng hindi kilalang mga kawatan ang mga gamit sa bahay ng umano’y founder ng investment scheme sa Capareda Street sa Barangay Lagao sa lungsod.

Sa nakalap na report ng Bombo Radyo GenSan sa Lagao Police Station, pasado alas-6:00 kagabi nilooban ang bahay ni Jun Sanchez na nagpapatakbo umano ng NMC investment scheme.

Ayon sa ulat, walang itinirang mahahalagang kagamitan ang mga suspek nang kanilang pinasok ang bahay.

Hindi rin pinalampas at kinuha ng mga ito ang bakod.

Paniwala ng mga residente sa lugar na ang mga nabiktima ng naturang investment scheme ang nasa likod na panloloob.

Una rito, maraming investors ang nagreklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) matapos na hindi natupad ang ipinangako sa kanilang 400% umano na tubo mula sa kanilang in-invest na pera.

Sinabi ng informant ng Bombo Radyo na dalawang buwan na umanong hindi naninirahan si Sanchez sa kanyang bahay matapos na pumutok ang isyu kaugnay NMC kung saan pinaniniwalaang tumakas at nagtago na ito upang makaiwas sa humahabol sa kanya na mga investors.