KALIBO, Aklan — Isang bahay na gawa sa kawayan ang nasira matapos na mahulog sa ilog dahil sa naranasang mga pagbaha sa Barangay Casit-an, Libacao, Aklan.
Ayon kay punong barangay Alicio Zonio Zubista ng naturang lugar, dahil sa ilang araw na pagbuhos ng malakas na ulan na nagdulot ng mga pagbaha, unti-unting gumuho ang lupa sa gilid ng Aklan River at nahulog ang bahay na pagmamay-ari ng kanyang anak na si Alvin Zubista.
Kasamang tinangay ng baha ang isang poste ng Akelco, pero wala naman umanong nasaktan sa insidente.
Kahapon ay mahigit pa aniya sa 100 meters ang layo ng bahay sa ilog, subalit naging mabilis ang pagtaas ng tubi-baha at pagguho ng lupa.
Ang mga naranasang pag-ulan noon pang nakaraang mga araw ay bunsod ng binabantayang bagyong Odette na nakapasok na sa Philippine area of responsibility.