KALIBO, Aklan—Nilimas ng isang kawatan ang nasa P1.8 milyon na pera, alahas na nagkakahalaga ng halos P300,000 at isang caliber 45 na baril sa dalawang palapag na bahay sa Barangay Laguinbanwa sa bayan ng Ibajay, Aklan.
Ayon kay PCapt. Machon Sabado, hepe ng Ibajay Municipal Police Station na batay sa kanilang imbestigasyon, nangyari ang insidente dakong alas-3:00 ng madaling araw ng Lunes kung saan, ang may-ari ng bahay ay nasa bansang Canada at iniwan lamang ang property sa kaniyang caretaker.
Una rito, may notification sa cellphone na natanggap ang may-ari na may umakyat sa kaniyang bahay kung kaya’t kaagad niyang ipinagbigay alam sa kaanak dahilan upang maimbestigahan kaagad ang insidente.
Dagdag pa ni PCapt. Sabado na sa likurang bahagi ng bintana ng bahay natukoy ang point of entry kung saan nang suriin ang loob ng bahay ay nakabukas na ang volt ng pinaglagyan ng pera, alahas at baril.
Sinira din ng mga suspek ang mga cctv cameras na ang ilan dito ay itinapon pa sa ilog.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakilanlan sa mga suspek.