BUTUAN CITY – Ni-ransack ng maraming galit na miyembro ang bahay sa founder ng investment scam na Forex Trading sa may Purok-3, Barangay Poblacion, Prosperidad, Agusan del Sur.
Ayon kay Lt. Col. Peddy Rollon, hepe ng Prosperidad Municipal Police Station, pinapa-verify niya ang balita na maraming tao ang pumasok sa pamamahay ni Dinver Dela Cruz, isang babae, may-asawa na residente sa nasabing lugar.
Dito na nakumpirma na nakapasok na ang mahigit 100 katao at nilimas ang pwede nilang makuha sa loob ng bahay kagaya ng sako-sakong bigas, washing machine at pati umano ang dalawang sasakyan.
Napag-alamang ilang lingo nang wala sa nasabing bahay ang may-ari kung saan mga caretaker lamang ang naiwan na tumakbo rin dahil sa takot na pagkusob ng maraming mga residente.
Pinayuhan ng hepe ang mga miyembro na i-turnover sa police station ang kanilang nakuha dahil maaari silang masampahan ng kasong pagnanakaw.
May nakumpiska na umano sila at may nai-turnover na rin na ilang mga bagay kagaya ng aparador, mga upuan at divider.
Sa kuhang video, makikita ang maraming tao na pumasok sa nasabing bahay at sa paglabas nila ay kanya-kanya na ng bitbit ng mga gamit.