-- Advertisements --

Nagbabala ang Bureau of Animal Industry (BAI) laban sa pagkalat ng mga pet food products na ibinebenta sa pamamagitan ng iba’t-ibang e-commerce platform

Ito ay matapos matukoy ng ahensiya na ang ilan sa mga naturang produkto ay walang akmang certification. Maging ang pagkakakilanlan ng kanilang mga supplier ay hindi rin matunton.

Lumalabas sa ginawang post-marketing surveillance and verification of records ng naturang ahensiya na walang akmang record ang marami sa mga ibinebenta online at posibleng banta sa kalusugan ng mga hayop.

Kinabibilangan ito ng mga dog treats, vitamins, gamot, immunity booster, at iba pa.

Apela ng BAI sa mga nagbebenta ng mga naturang produkto na makipag-coordinate lamang sa BAI at Food and Drugs Administration para matiyak na magkaroon ng sapat na evaluation at registration sa mga naturang produkto.

Pangunahin na dito ang mga produktong may therapeutic claims at tinatangkilik ng mga pet owner.

Hinihikayat din ng ahensiya ang mga pet owner na huwag bumili o i-promote ang mga feed products na walang certification mula sa BAI at FDA.

Ayon naman kay Philippine Veterinary Drug and Nutrition Association president Evangeline Abella, maaaring maging banta sa kalusugan at kapakanan ng mga hayop ang mga unregistered feed products dahil ang mga ito ay walang sapat na quality control habang hindi rin tiyak ang mga formulation ng mga ito.