-- Advertisements --

Tiniyak ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang pagpapatupad ng mahigpit na quarantine at biosecurity measures sa Talisay, Camarines Norte.

Kasunod ito ng nagpositibong mga itik mula sa isang farm sa nasabing bayan noong Disyembre 6, 2024.

Nabatid na natuklasan ang highly pathogenic avian influenza type A subtype H5N2.

Ito ang kauna-unahang kaso ng naturang bird flu strain sa bansa at unang kaso naman ng avian influenza sa lalawigan.

Sa ngayon ay sumailalim na sa culling o pagpatay ang mga natitirang itik upang tiyakin na hindi na kumalat pa ang sakit.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng ahensiya upang matukoy ang pinagmulan ng mga infected na alaga.

Kinumpirma naman ng Department of Agriculture (DA) na nagpatupad na sila ng checkpoint o pagbabantay sa mga lugar na malapit sa mga apektadong lugar para hindi na kumalat pa ang bird flu.