Bumalangkas na umano ng konsepto ang gobyerno para gawing localized ang national action plan laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa pamamagitan ng pagpapatupad ng lockdown sa lebel na lamang ng barangay.
Ayon kay COVID-19 response chief implementer Sec. Carlito Galvez Jr., ipatutupad ang nasabing plano sa tulong na rin ng mga local government units (LGUs).
“Ang ginagawa po natin ngayon […] baka hindi na tayo mag-declare ng lockdown per region but ang lockdown na lang natin nito by barangay,” wika ni Galvez.
“Ibig sabihin, paliitin na lang natin. Ang gagawin po natin is ‘yung barangay na mayroong cases, ‘yun po ang ila-lockdown natin para ma-preserve po natin ‘yung ating economic po natin,” dagdag nito.
Sa ilalim aniya ng sistema ng localized lockdown, ang mga lugar ay magkakaroon na umano ng klasipikasyon na “critical area,” “containment area,” “buffer zone,” o “outside buffer zone.”
Sinabi ng kalihim, susunod ang mga LGUs sa panuntunan mula sa Inter-Agency Task Force.
“So ‘yun lang po na mga barangay o kunyari, for example, may isang compound na apat na pamilya ang affected, ‘yun po ang ila-lockdown natin. Hindi po natin hahayaan sila na makapagkaroon ng infections doon sa economic corridor natin,” anang opisyal.