BACOLOD CITY – Inihahanda na ng mga pulis ang kaso laban sa tatlong mga lalaki na nagnakaw ng baka sa Salvador Benedicto, Negros Occidental kaninang madaling-araw kung saan kanilang isinakay sa van ang hayop.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Lt. Everly Canto, deputy chief ng Salvador Benedicto Municipal Police Station, nagpapatrolya ang mga pulis sa bawat barangay sa tuwing madaling-araw kasabay ng report na ilang baka na ang ninakaw sa bayan kabilang na sa kalapit na lungsod ng San Carlos.
Pagdating sa Purok Maisan, Barangay Bunga ayon kay Canto, nakita ng mga pulis ang silver gray na Toyota Hi-Ace na nakaparada sa tabi ng daan ngunit bukas ang makina nito.
Nang nilapitan ng mga pulis, nakita ng mga ito ang tatlong lalaki na tumutulak ng isang baka papasok sa van.
Hinanap ng mga pulis ang credentials ng baka ngunit walang naipakitang papeles ang tatlo kaya’t natuklasan ng mga pulis na nakaw ang hayop.
Kaagad na inaresto nga mga pulis sina Jerry Genelaso, 40, residente ng La Costa Brava, Barangay Zone 15, Talisay City; Clyde Ersida, 33, residente ng Barangay Taculing, Bacolod City; at Rollie Francisco, 23 at residente ng Libertad Extension, Bacolod City.
Nakuha rin sa kanilang possession ang home-made caliber .380 pistol na may pitong mga bala.
Batay sa imbestigasyon, modus ng tatlo na magr-ent ng van at kinukuha ang upuan upang maisakay ang ninakaw nilang hayop.