Naobserbahan ang bakas ng langis na pinaniniwalaang galing sa lumubog na MT Terra Nova sa may baybayin ng Tanza, Cavite.
Ngayong araw ng Lunes, sa inilabas na video at larawan ng grupo ng mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) makikita ang bakas ng langis sa may baybayin ng Tanza.
Sa isang statement, sinabi ni Pamalakaya Vice Chairperson Ronnel Arambulo, nangyari na ang kanilang kinatatakutan na pagkalat ng langis sa kalakhan ng Manila Bay at pagkaperwisyo ng kabuhayan ng maraming mangingisda.
Aniya, sa bayan pa lamang ng Tanza, tinatayang mahigit 5,000 mangingisda na ang maaapektuhan kung hindi agarang mapigilan ang pagkalat ng langis.
Daing din ng grupo na hind pa man sila nakakabawi mula sa epekto ng nagdaang bagyong Carina at Habagat, panibagong dagok nanaman ang kanilang kinakaharap at bigo umano mga kinauukulan na matugunan ang epekto ng tumagas na langis.
Una rito, base sa report mula sa UP Marine Science Institute, kinumpirma nitong tinatayang umabot ang tumagas na langis sa lalawigan ng Bulacan at Cavite.
Samantala, una naman ng sinabi ng PCG na kanilang sisikaping maselyuhan ang lahat ng 9 na tank valves ng industrial fuel oil mula sa MT Terra Nova na may tagas bago tuluyang isagawa ang siphoning o pagsipsip sa kargang langis ng lumubog na motor tanker.