Kasado na ang magiging bakbakan sa pagitan ng Team Serbia at Team USA sa semifinals ng Paris Olympics 5X5 men’s basketball.
Ito ang pangalawang paghaharap ng dalawang team ngayong Olympics matapos ang una nilang bakbakan noong July 29 sa ilalim ng Group stage (Group C) kung saan tinambakan ng USA ang Serbian team, 110 – 84.
Muling maghaharap ang dalawang team na kapwa ibinabandera ng mga NBA stars at superstars na kinabibilangan ng dalawang 4-time NBA champion na sina Lebron James at Stephen Curry sa US habang sina three-time NBA MVP Nikola Jokic at Bogdan Bogdanovic sa Serbia.
Bago ang pagsabak sa semis, tinambakan muna ng USA ang Team Brazil sa score na 122 – 87.
Sa panig naman ng Serbia, naitala nito ang isa sa pinakamalaking comeback sa kasaysayan ng Olympics matapos bawiin ang 24 points na kalamangan ng Team Australia, 95-94.
Ang mananalo sa pagitan ng dalawa ay papasok sa gold medal round ng 5X5 men’s basketball.
Sa kabilang banda, maghaharap din sa Semis ang Team France at ang FIBA World Cup champion, Team Germany.
Nagawa ng Team France na talunin ang Team Canada sa pamamagitan ng magandang performance ng twin tower nito: Rudy Gobert at Victor Wembanyama.
Nagawa naman ng Team Germany na pataubin si NBA Champion Giannis Antetokounmpo at ang team Greece.