Palaisipan pa rin ngayon sa ilang mga survivors ang umano’y kakulangan nang pagkilos ng Philippine Coast Guard (PCG) sa nangyaring trahedya sa Iloilo Strait kung saan halos 30 ang patay.
Isa sa mga survivors na teacher ang idinaan sa social media ang kanyang mga hinaing matapos na makaligtas noong Sabado ng hapon.
Ayon kay Roxie Garcia, isa umano siyang survivor ng MB Jenny Vince at kabilang siya sa na-trap sa loob ng bumaligtad na motorbanca. Halos isang oras umano siya na nasa ganitong sitwasyon at sa tingin niya ay maliit na ang tiyansang mabuhay pa.
Tanong pa niya, “kung bakit natagalan ang pag-rescue sa kanila samantalang nakikita naman daw nila na umaaligid ang rescue teams.”
Dahil dito umabot pa umano sila sa bahagi na ng Jordan, Guimaras na nagpalutang bago na-rescue.
Kung hindi pa umano nagpaputok ng baril ang isang pulis na kasama nila sa lumubog na bangka ay baka hindi pa sila nalapitan o napansin.
Sa ngayon nagpapagaling pa ito sa isang ospital lalo na at marami rin umano siyang nainom na chemicals.
Umabot din sa walong mga guro ang nasawi sa naturang sea tragedy.
Una rito sa opisyal na statement ng lokal na pamahalaan ng Guimaras nasa 88 lahat ang mga pasahero.
Pero nasa 75 lamang ang nasa listahan at 13 ang wala sa manifesto.
Una nang lumutang din ang isyu na overloaded ang banca at pinayagan ito ng Coast Guard.
Naging malaking isyu rin kung bakit meron namang nakalaang lifevest para sa mga pasahero pero marami pa rin ang casualties.
Ipinagtataka rin ng ibang mga survivors kung bakit pinayagan pa ang ikatlong bangka na maglayag, samantalang may nauna nang lumubog na bangka.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo kay PCG spokesman Capt. Armand Balilo, inamin nito na tinitingnan din nila ang anggulo na posibleng may mga hindi nakalista sa “passenger manifest.”
Idinipensa rin ng PCG ang pagbibigay ng “go signal” sa paglalayag ng mga bangka noong weekend dahil mainit at maganda naman daw ang panahon.
Hinala ni Balilo, baka ito ang tinatawag na “subasko” o biglang pagsama ng panahon, ngunit kailangan pa nila ng sapat na testimonya.
Wala rin daw kasing inilabas na abiso ukol sa malalaking alon ang Pagasa, bago nangyari ang trahedya.