-- Advertisements --

Hindi napigilan ng pamilya nang pinatay na Grab driver na maging emosyunal nang makaharap ang suspek na si Narc Delemios na pumatay kay Gerardo Maquibato, Jr.

Napahagulgol ang biyuda ni Gerardo habang nagsasalita na kaharap ang suspek.

Ayon sa ginang, maraming pangarap ang kaniyang mister sa pamilya nila lalo na sa kanilang mga anak pero pinatay lamang ito.

Tinatanong pa ng misis sa suspek na bakit hindi nila ito binigyan nang pagkakataon na mabuhay at umuwi sa kaniyang pamilya.

Giit nito, hirap silang tanggapin ang sinapit ng mister na napakaresponsable umanong tao.

Habang nagsasalita ang misis, sinaway naman ni PNP chief Dir. Gen. Ronald Dela Rosa ang suspek na tila tinatawanan ang umiiyak na misis.

Hinarap din ng nanay ng biktima ang suspek at naging emosyunal din ito.

Mensahe nito kay Delemias, 25, sana pagsisihan nito habang-buhay ang ginawang pagpatay sa kaniyang anak.

Sinabi pa ng nanay, napakasipag ng kaniyang anak at mabait, pero bakit pa ito pinatay.

“Napakasipag niyang tao. Ano ginawa mo sa kanya? Parang hayop ang ginawa mo sa kanya. Pagsisisihan mo habang buhay ‘yang ginawa mo,” nanggagalaiting pahayag ng ina.

Sa harap ng media at sa pamilya ng napatay na Grab driver, humingi naman si Delemias ng tawad.

Sa paliwanag nito, nang holdapin daw niya si Maquidato ay nanlaban daw ito hanggang sa kanyang napatay.

Si Maquidato ay minsan nang itinanghal bilang isa sa mga “best driver-partners” ng kompaniyang Grab.

Samantala, nagtungo rin sa Kampo Crame si Grab Philippines head Brian Cu at kinausap nito ang pamilya ni Maquidato.

Dakong alas-8:00 kagabi nang sumuko sa Pasay Police si Narc.

Natagpuan na rin ang sasakyan na ninakaw niya sa Grab driver na kanyang pinatay sa McArthur Highway, Sitio Orquico, Barangay Matatalaib, Tarlac City.

Alas-9:45 kagabi nang matagpuan ng mga tauhan ng Pasay at Tarlac police ang kulay silver gray na Toyota Innova na inabandona sa tabi ng kalsada.

Nabatid na wala na ring plate number at wala ring conduction sticker ang sasakyan.

Basag din ang windshield nito sa harap ng driver’s seat.