Tuwing idinaraos ang Traslacion ng imahe ng Poong Itim na Nazareno, isa sa mga inaabangan ng mga deboto ay ang seremonya ng Dungaw. Kanina nga bandang alas tres ng hapon ay naganap na ang Dungaw ng dalawang importanteng imahe sa San Sebastian Church sa Maynila.
Ngunit ano nga ba ang Dungaw at para saan ito?
Ang dungaw ay nagaganap tuwing traslacion sa araw ng kapistahan ng Itim na Nazareno kung saan inihahatid ang imahe mula sa Quirino Grandstand patungong Quiapo church. Subalit pagdaan ng Nazareno sa San Sebastian Church ay ilang minutong titigil ang imahe para tagpuin ang Nuestra Señora del Carmen de San Sebastian o Our Lady of Mount Carmel. Sa pagtatagpong ito ng dalawang imahen nangyayari ang Dungaw.
Ang imahe ng Nuestra Señora del Carmen de San Sebastian ay ang kauna-unahang imahe ng Our Lady of Mount Carmel sa Pilipinas na dinala ng Spanish Recoletos noong 1618.
Ayon sa San Sebastian Basilica Conservation and Development Foundation, Inc., ang dungaw ay hindi re-enactment ng pagtatagpo ni Hesus at Maria gaya ng ginagawa sa Way of the Cross. Anila, ang dungaw ay isang religious courtesy ng Hari at Reyna ng Quiapo, isang pambihirang pagtatagpo para gabayan sa pagdarasal ang mga deboto.
Hindi na mahagilap kung kailan nagsimula ang Dungaw dahil sa limitadong historical records. Subalit ayon sa mga nakalap na datos, ito ay itinigil noong 1900s at nitong 2014 lamang ibinalik. Ngunit dahil sa COVID-19 pandemic ay pansamantalang itinigil ang traslacion maging ang dungaw taong 2021, 2022, at 2023.
Taong 2016 naman nang magkaroon ng opisyal na panalangin ang pagtatagpo ng Hari at Reyna ng Quiapo.
Ang Dungaw ay isang madamdaming pagpapakita ng pagmamahal ng isang ina sa anak niyang pasan-pasan ang krus kung saan inaanyayahan ang mga deboto na manalangin patungo sa piling ni Maria at ni Hesus Nazareno.