MANILA – Kinuwestyon ng Office of the Vice President (OVP) ang mga personalidad na nagpapalutang ng ulat hinggil sa planong pulitikal ni VP Leni Robredo sa 2022.
“Medyo nagugulat lang ako bakit ang tindi yata ng focus kay VP. Bakit siya iyong kinukulit parati tungkol dito?,” ani Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, sa panayam ng One PH.
Nitong Biyernes nang sabihin ni dating Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. na tatakbong gobernador ng lalawigan si Robredo sa susunod na eleksyon.
Agad namang bumwelta ang bise presidente, at iginiit na wala pa siyang desisyon kaugnay ng halalan. Bagamat nilinaw din niya na handa pa rin siyang tumakbo bilang pangulo.
Noong nakaraang buwan nang palutangin din ni dating Sen. Antonio Trillanes IV ang pagtakbo ni Robredo bilang Camarines Sur governor.
Ayon kay Gutierrez, malinaw na nakatuon ngayon ang atensyon ng pangalawang pangulo sa pag-aabot ng tulong sa mga apektado ng pandemya.
“Marso pa last year, tuloy-tuloy ang efforts ng aming tanggapan para tumugon dito—everything from PPEs to testing, to support for frontliners, at iba-iba pa, so iyan iyong kaniyang least priority talaga. At sa kaniya, habang may ganiyan, iyon iyong gusto niyang maging focus.”
“Very clear naman ang sinasabi ni VP mula pa dati. Handa siyang tumakbo. Tinitingnan niya ito bilang tungkulin niya. Pero ang pangunahing konsiderasyon dapat, sino ba talaga ang kandidatong makakapag-unite ng mga puwersa na maghahanap ng pagbabago sa 2022. Kung siya iyon, walang problema,” dagdag ng OVP spokesperson.
JUST IN: Vice Pres. Leni Robredo bares she is still open to run for presidency. She clarifies that she hasn't decided yet to run for gubernatorial post.
— Christian Yosores (@chrisyosores) June 4, 2021
"Maraming konsiderasyon ang isinasaalang alang pero siguradong magdedesisyon sa tamang panahon." | @BomboRadyoNews pic.twitter.com/pW5XEdHnyv
Nagtataka lang daw ang kampo ni Robredo dahil sa kabila ng mababang rating nito sa mga survey, ay tila mainit ang atensyon sa kanya ng ilang kampo.
“Kapag tiningnan mo iyong mga surveys, nasa 8%, 10% si VP Leni… lagi na lang kung kailangang pag-usapan tungkol sa eleksyon, kung mayroong kailangang tirahin, kung mayroong kailangang siraan, si VP Leni iyon. Hindi ko maintindihan, ‘di ba. So baka mayroon silang alam na hindi natin alam.”
Binigyang diin ni Gutierrez na mismong si Robredo ang mag-aanunsyo ng kanyang plano sa eleksyon.
Malinaw naman daw na kahit nakatuon ang atensyon ni VP Leni sa pandemic response, ay nananatili siyang bukas na kumandidato sa pinakamataas na posisyon ng pamahalaan.
“Malinaw sa kaniya na nasa kaniya ang desisyon at alam niya kung gaano kahalaga at gaano kabigat itong desisyon na ito. At gagawin niya iyon sa tamang panahon at siya mismo, sa kaniya mismo manggagaling kung ano iyong desisyon na iyon—iyong desisyon niya.”