-- Advertisements --

Naniniwala si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na “wrong timing” ang hakbang na baguhin ang Saligang Batas ngayong panahon ng pandemya.

Ayon kay Cayetano, dapat ay isantabi muna kung anumang usapin na hindi makatutulong sa mga tao.

Giit ng mambabatas, mas mahalaga ngayon na unahing makakuha ng bakuna ang Pilipinas.

Punto pa ni Cayetano, divisive o nagdudulot lamang ng pagkakawatak-watak ang isyu ng charter change.

Kahit aniya sabihing economic provisions lang ang gagalawin sa panukalang amyenda sa Konstitusyon, sigurado umanong mag-aaway-away pa rin ang mga pulitiko.

Sinabi pa ni Cayetano, kapag pumasok na ang debate sa term extesion at iba pang mga isyu, mas lalong hindi na raw matututukan ang vaccination na siyang pinaka-importante ngayon.

Ipinaalala ng kongresista na nagsumila na ang pagbabakuna sa mga karatig-bansa habang parating pa lang ang sa Pilipinas at marami pa ang kailangang talakaying mga isyu.