CENTRAL MINDANAO- Hinikayat ni Kabacan Cotabato Mayor Herlo P. Guzman, Jr. ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang anak kontra sa measles rubella o tigdas.
Ayon sa alkalde, ang maling impormasyon ang magdadala sa kabiguan ng programa lalo pa’t karamihan sa mga magulang ay takot na pabakunahan ang kanilang mga anak.
Paliwanag ni Guzman Jr, ang bakunang itinuturok sa mga bata ay subok na at matagal na itong ginagamit kung kaya ay walang dapat ipangamba ang mga magulang.
Dagdag pa ni Mayor Guzman, libre ang bakuna kaya walang dapat ikabahala ang mga magulang.
Magtatagal ng isang buwan ang immunization para sa mga batang edad siyam hanggang 59 buwan. Bisitahin lamang ang mga Barangay Health Stations mula araw ng Lunes hanggang Biyernes.
Samantala, masayang tinanggap ng mga residente ng Brgy. Magatos ang relief packs mula sa lokal na pamahalaan ng Kabacan.
Abot sa 186 na pamilya ang tumanggap ng bigas, delata, at kape na laman ng pack.
Sinabi ni ABC President Evangeline Pascua-Guzman na siyang nanguna sa pamamahagi ng relief packs, siya ang magiging tulay ng bawat barangay sa alkalde upang maiparating ang mga hinaing nito kay Mayor Guzman Jr.
Tiniyak ng ABC na ginagawa ng LGU-Kabacan ang lahat upang mabigyan ng tulong ang mga nangangailangan lalo na ang mga nakaranas ng pagbaha.