-- Advertisements --

DAVAO CITY – Muling pinasalamatan ni Pangulong Rodrigo Duterte sina Russian President Vladimir Putin at Chinese President Xi Jinping matapos na sinabi umano ng mga ito na bibigyan ng prayoridad ang Pilipinas sa kanilang ginagawang bakuna laban sa corona virus disease (Covid-19).

Sa kanyang public address sa presidential guest house sa Panacan nitong lungsod, kanyang sinabi na hindi umano libre ang nasabing bakuna at kung mahal ang presyo nito, hihilingin ng Pangulo kay Putin at Xi Jinping na installment ang gagawin ng bansa sa pagbili nito lalo na at apektado pa ngayon ang ekonomiya ng bansa dahil sa Covid-19.

Maliban sa Russia at China, una na rin na tiniyak ng bansang Japan na isa ang Pilipinas sa kanilang listahan sa mga bansa na bibigyang prayoridad sa kanilang na-develop na gamot sa covid-19 na Avigan.