Kumpiyansa si US President Donald Trump na magkakaroon na ng coronavirus vaccine ang Estados Unidos sa katapusan ng kasalukuyang taon.
Pahayag ito ni Trump kasunod ng paghimok nito sa mga ahensya ng gobyerno na bilisan pa ang pag-develop sa bakuna kontra COVID-19 sa ilalim ng panibagong project na “Operation Warp Speed.”
Sinasabing layunin ng nasabing project na paspasan pa ang vaccine development ng ilang buwan at makagawa ng 300-milyong dosage ng bakuna sa Enero ng susunod na taon.
Sa isang virtual town hall broadcast, sinabi rin ni Trump na isusulong niya raw ang muling pagbubukas ng mga paaralan at unibersidad sa Setyembre.
Iginiit din ng American chief executive na magiging masaya raw ito sakaling matalo ng ibang bansa ang kanilang mga researchers sa paggawa ng lunas kontra sa deadly virus.
“I don’t care, I just want to get a vaccine that works,” wika ni Trump.
Nang matanong naman si Trump tungkol sa mga panganib na nangyayari sa human trials ng research process, inihayag nito na alam naman daw ng mga volunteers ang kanilang pinasok.
Una nang sinabi ng Dr. Anthony Fauci, miyembro ng White House coronavirus task force, na posible raw na magkaroon na ang Amerika ng isang vaible vaccine sa umpisa ng taong 2021. (AFP)