-- Advertisements --
Bora boracay

KALIBO, Aklan – Simula sa Nobyembre 16, bubuksan na ang isla ng Boracay sa mga bakunadong turista kahit walang maipakitang RT-PCR test.

Ayon kay Aklan Governor Florencio Miraflores, ito ay matapos na halos naabot na ang 100% na vaccination rate sa mga tourism workers na nasa 94% at eligible residents na nasa 95%.

Sinabi ni Miraflores na layunin nito na muling mapalakas ang industriya ng turismo sa isla.

Ang mga nais na bumisita sa Boracay ay dapat na magpakita ng vaccination certificate mula sa www.vaxcert.gov.ph o vaccination card na may QR code mula sa nag-isyung lokal na pamahalaan.

Sa pag-alis ng negatibong RT-PCR test, magpapalabas umano siya ng executive order ukol dito.

Bukod sa vaccination certificate, kailangan din na magpresinta ng reservations mula sa hotel na accredited ng Department of Tourism (DOT), travel details, valid identification card at iba pa.

Sa kabila nito, ang mga turistang nakatanggap pa lamang ng unang dose ay required pa rin na magpakita ng negatibong RT-PCR result.