-- Advertisements --

ILOILO CITY – Halos hindi na mahulugan ng karayom ang pila sa Ortiz Wharf papunta sa Balaan Bukid sa Isla ng Guimaras na paboritong puntahan ng mga local at dayuhan na deboto tuwing Biyernes Santo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Guimaras Police Provincial Office (GPPO) Director Police Col. Julio Gustilo, sinabi nito na higit sa 500 mga pulis ang kanilang idineploy sa pantalan at sa iba’t ibang bahagi ng Guimaras upang matiyak ang seguridad ng mga deboto.

Nagpaaala naman si Gustilo sa mga aakyat sa sikat na pilgrimage site na iwasan ang pagdala ng mga matatalim na bagay, mga nakakalasing na inumin at pagsuot ng mga mamahaling alahas at mga revealing na damit.

Napag-alaman na ang Balaan Bukid ay siyang pinakamataas na bundok sa Guimaras kung saan may ginaganap na senakulo.

Napili rin na maging boses sa likod ni Panginoong Hesukristo ang Newscaster ng Bombo Radyo Iloilo na si Bombo Ian Gajete.