Itinuturing na welcome development ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang intensyon ni Greg Slaughter na maglaro para sa Gilas Pilipinas sa 2023 FIBA World Cup.
Ayon kay Butch Antonio, director for operations ng SBP, malaki ang magiging pakinabang ng national pool sa 7-foot na si Slaughter.
Ngayon pa lamang kasi ay naghahanda na rin ang Pilipinas, kasama ang mga co-host na Japan at Indonesia sa pag-host ng world basketball championship tatlong taon mula ngayon.
Una na ring sinabi ni SBP special assistant to the president Ryan Gregorio na malaking bagay para sa national team ang height ng Barangay Ginebra big man.
“That’s definitely a great development. The height of Greg would obviously be an important addition to our national team,” ani Gregorio sa isang panayam.
“You just do not get that 7-footer out of nowhere.”
Nitong nakaraang linggo nang ihayag ng beteranong center ang kanyang interes na maglaro para sa Pilipinas sa susunod na edisyon ng World Cup.
Inihayag ni Slaughter, una pa man ay kanya nang prayoridad na makapaglaro para sa pambansang koponan.
Sa kabila nito, sinabi ni Antonio na nakadepende pa rin daw ito sa magiging pasya ng Gilas coaching staff.
“Nasa mga coaches na yan if he will be invited to be part of the pool,” anang SBP official.