CAUAYAN CITY – Tumanggap ng parangal ang Balamban Dance Festival ng lungsod ng Santiago, Isabela bilang Best Tourism Event sa ginanap na Pearl Awards 2019 ng Association of Tourism Officers of the Philippines – Department of Tourism (ATOP-DOT) na ginanap sa Paoay Church Grounds, Paoay, Ilocos Norte.
Ito ay makaraang ang Santiago City ay tumaas ang bilang ng mga turista na bumisita sa lungsod noong nakaraang taon na nakapagbigay ng dagdag kabuhayan sa mga pampasaherong van at tricycles.
Ayon kay City Mayor Joseph Tan, nagkaroon din ng isang buwang Trade Fair kung saan ay nabigyang pagkakataon ang mga maliliit na negosyante na maipromote ang kanilang mga produkto na nakaengganyo sa mga turista.
Personal na tinanggap ni Tan ang parangal at inihayag ang lubos na pasasalamat sa naibigay na pagkilala sa Balamban Dance Festival.
Ipinagdiriwang ang Balamban Dance Festival mula ikaisa hanggang ikalima ng Mayo kaalinsabay ng pagkakatatag ng Santiago bilang isang lungsod.
Ang pangalan ng pagdiriwang na Balamban ay halaw sa isang makalumang sayaw na nagmula sa paggaya ng mga katutubo sa kilos at kumpas ng mga paru-paro.